Pag-asang Tinabunan
Paulit-ulit na parang isang sirang plaka ang mga nasa kaukulan tungkol sa panghihikayat nila na maging responsable sa pagsasagawa ng pagmimina sa bansa ngunit tila ba ay kaliwa’t kanan ang mga balita tungkol sa mga minahang gumuho na dahilan upang mailibing ng buhay ang minero, mga nasisirang pananim at mga ilog, ang pagbabago sa mukha ng ating mga kabundukan at ang mga pagguho ng lupa na hahantong sa pagkawasak ng mga ari-arian at buhay ng mga inosente.
Matatanong talaga natin ang ating mga sarili: may mga tao ba o mga organisasyon ba sa ating pamahalaan ang nagbabantay sa ating kalikasan at nag-aalaga sa mga tao at mga bahay na nasa ibaba ng mga minahang bundok o mas binibigyan nila ng halaga ang nagdadala ng milyon-milyong salapi sa bansa ngunit iiwan lamang nila itong delikado sa mga tao? Ngunit ang mga napabalitang mga aksidenteng ay isang patunay na ang mga sinasabi nilang ‘responsableng pagmimina’ ay bihira lang na ating nakikita.
Isa ang siyudad ng Naga, probinsya ng Cebu ang hindi nakaligtas. Sa ika 20 ng Setyembre, 2018, nangyari ang pagguho ng lupa sa mga barangay ng Tinaan, Mainit, Naalad, Pangdan, and Cabungahan na humantong sa pagkamatay ng 21 katao, sugatan ang 9 na tao at humigit kumulang 50 katao ang hinahanap pa rin. Bago pa man ang pangyayari, ideneklara na ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) 7 na ang mga barangay na ito na isang lugar na posibleng magkaroon ng pagguho ng lupa. Parang hindi man lang pinakinggan ng lokal na pamahalaan ang banta na ito. Binawalewala lang nila ang kaligtasan ng mga taong maaapektuhan ng trahedya.
Ibang iba talaga ang kahulugan sa sinasabi ng pamahalaan na ‘responsableng pagmimina’ sapagkat ito ay nagudulot na ng kapahamakan sa mga tao. Tila noong panahong may lumalaban upang maging matagumpay ang programang ito. Isa sa halimbawa nito ay ang dating kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na si Gina Lopez. Isa sa mga plano niya ang pagpapasara sa mga minahang walang tiyak ng dokumentong hinahawakan at mga lugar na may nangyari nang trahedya. Ngunit siya ay pinatalsik sa pwesto. Bakit ba nila ito ginawa? Natatakot ba ang mga taong nasa pamahalaan na mawalan ng pagkakakikitaan kahit ang kapalit nito ay ang buhay ng mga karamihan?
Maliban sa mga pagkakamatay ng mga tao, namimilegro din ang ating kalikasan gaya ng nawawalan na ng mga puno ang ating kabundukan, nilalason ang ating mga katubigan na uuwi sa pagkamatay ng mga isda at ibang lamang dagat at ang pagkawala at pagkamatay ng ating mga hayop sa mga gubat. Ngunit parang ang pamahalaan ay nabubulag sa mga tunay na nangyayari. Mas iniisip pa nila ang kanilang makukuhang pera. Sinasabi lang nila na may ginagawa na silang hakbang upang mabigyan ng solusyon ang mga problemang ito ngunit tila ba ay hanggang salita lamang it ay pagkatapos ng ilang buwan ay makakalimutan na nila ito sapagkat hindi nila binibigyan ng halaga.
Kahit bulag at bingi ang pamahalaan sa mga protesta ng mga grupo ng mga environmentalists o mga taong binibigyan ng halaga ang ating kalikasan ay marami parin ang gumagawa ng paraan ng upang mabago ang batas sa pagmimina ng ating bansa. Halimbawa rito ay si Rodrigo Abellanosa, ang Cebu City South District Representative sa Kongreso. Kaniyang ginagawan ng paraan upang mapawalang bisa ang Philippines Mining Act at bagohin ito upang mas maging strikto at organisado ang batas. Kung ito ay mangyayari, malaki ang banta nito sa mga kompanya ng pagmimina sapagkat marami ang mga maipapasara lalong lalo na ang mga illegal na gumagawa nito.
Malaki man ang naibibigay ng pagmimina sa ating bansa, dapat tingnan rin ng ating pamahalaan ang mga posibleng mangyari. Hindi dapat sila maging mga taong walang pakialam sa kanilang nasasakupan. Dapat silang makikinig sapagkat kailan ba sila makikinig? Kung marami na ang namamatay? Laging tandaan na hindi mapapalitan ng pera ang buhay na nawala at ang kalungkutan na magmamarka sa puso ng nawalan.
Comments
Post a Comment