Kapayapaan: Ipagdiwang at Pangalagaan
Mula sa ingay ng nagliliparang plato ng kapitbahay, pagpuputukan sa kabilang baranggay, pambobomoba sa Davao at walang tigil na giyera sa Mindanao, dalangin ng lahat ang kapayapaan at katahimikan. Kaisa rin ng Pilipinas ang iba pang mga bansa sa parehong hiling at panalangin.
Sa ika-21 ng Setyembre ng bawat taon ipinagdiriwang ng mga kasaping bansa ng United Nations ang International Day of Peace, isang kilos upang itaguyod ang pagkamit ng kapayapaan. Tiyak nitong nilalayon na gumawa ng mga konkretong hakbang ang mga bansa para sa tuluyang pagpapatigil ng giyera at lahat ng uri ng karahasan at kalupitan. Alinsunod ang nasabing pagdiriwang sa 17 Sustainable Development Goals, isang gabay para sa lubusang pagkamit ng kanularang sosyal at pang-ekonomiya. Sa ika-16 na layon o “Peace, Justice and Strong Institutions” ipinapanawagan ang pagtataguyod ng isang mapayapang pamayanan. Binigyang diin nito ang tungkulin at responaibilidad ng bawat estado na umagapay para sa walang pagkiling at madaliang pagkamit ng hustisya at katarungan.
Tema ng pagdiriwang ngayong taon ang “The Right to Peace – The Universal Declaration of Human Rights at 70”. Nataon ang International Day of Peace 2018 sa ikapitumpong anibersaryo ng pagpapahayag ng Unibersal na Deklarasyon ng Karapatang Pantao na kinatha ng Pangkalahatang Kapulungan ng mga Bansang Nagkakaisa o UN. Ang pagkilala sa karangalan at sa pantay at di-maikakait na karapatan ng tao ang nilalaman ng nasabing deklarasyon. Nakasaad sa Artikulo 3 na “Ang bawat tao’y may karapatan sa buhay, kalayaan at kapanatagan ng sarili.” – ang andigan at pundasyon ng kalayaan, kapayapaan at katarungan.
Sa anu-anong mga paraan maitataguyod at makakamit ng isang bansa ang kapayapaan at kawalang karahasan?
PANTAY NA PAGTINGIN SA MATA NG LIPUNAN
Gawing pantay ang iyong pakikitungo sa lahat ng tao nang walang ano mang uri ng pagtatangi gaya ng lahi, kulay, kasarian, wika, relihiyon, kuro-kurong pampulitika, pinagmulang bansa o lipunan, ari-arian, kapanganakan o iba pang katayuan (Artikulo I). Wala ring sino mang aalipinin o bubusabusin (Artikulo II)
PAGKILALA SA PANANAW AT OPINYON NG IBA
Kilalanin na maaring maging iba ang sarili mong pananaw sa pananaw ng iba. Iwasang manghimasok sa kani-kanilang sariling kuro-kuro para maiwasang makalikha ng gulo. Tandaang ang bawat tao ay may karapatan sa pagpapahayag at kasama ng karapatang ito ang kalayaan nang walang panghihimasok. Dagdag nito ang pagpapahayag ng kaisipan sa pamamagitan ng alinmang paraan ng pagkakalat at walang pagsasaalang-alang ng hangganan.
Sapagkat ang pagwawalang bahala at paglalapastangan sa karapatang pantao ay magbubunga ng gawaing di-makatao (UN, 1948), parehong responsibilidad ng mga mamamayan at estado ang itaguyod ito. Sa kolektibong pagtutulungan, ang pagdiriwang ng International Day of Peace ay magiging araw-araw, imbes na sa ika-21 lang ng Setyembre ng bawat taon.
Comments
Post a Comment