Burahin ang Kasaysayan
Napakaraming problema ang hindi pa nabibigyan ng solusyon. Patayan, baha, at ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa merkado. Ngunit sa lahat ng mga nangyayari sa bansa, mas tinutukan ng mga senador ang para sa kanila ay napakaimportanteng paksa, ang pag-iiba sa liriko ng ating pambansang awit na “Lupang Hinirang” na sinulat ni José Palma sa taong 1899 na naging salamin na ng ating pagka-Filipino.
Ayon sa mga balita, si Senador Vicente “Tito” Sotto, ang kasalukuyang Senate President, ang nagbigay ng suhestiyon sa pagbabago habang patuloy nilang nirerebisa ang Flag and Heraldic Code o ang Republic Act 8491 na isang batas na naglalaman sa kung anong desinyo ng ating watawat, ang liriko ng ating pamabansang awit at ang dapat gawin kung ito ay kakantahin. Sa orihinal na “Ang mamatay ng dahil sa iyo” sa bago na “Ang ipaglaban ang kalayaan mo”. Sinuportahan ito ng isa pang senador na si Senador Richard Gordon.
Ang kanilang mga ginagawang hakbang ay hindi matatanggap ng mga tao. Kahit mabuti ang kanilang intensyon, malaki pa rin ang naging bahagi sa ating kasaysayan ang awit na ito. Mula sa ating pagkabata hanggang sa paglaki, laman laman ng isip at puso natin ang liriko ng ating pambansang awit. Marami ang tumututol rito at isa na ako. Hindi ako pabor sapagkat babagohin nito, na parang isang kometa, ang ating kasaysayan.
Sa aking palagay, parang gumagawa sila ng paraan upang matuon ang isip ng mga tao sa paksang ito at unti unting kalimutan ang mga problema ng ating bansa. Oo, may kapangyarihan silang bagohin ito ngunit hindi sa lahat ng pagkakataon na dapat nila itong gawin. Dagdag pa, ang ating bansa ay umuusad pababa at parang ang ating mga mambabatas ay parang wala at hindi gumagawa ng paraan. Dahil ba wala silang pakialam sa mga tao o hindi lang nila nararamdaman ang mga problema na ito.
Huwag na muna silang gumawa ng mga hakbang walang maitutulong sa ating bansa. Kung ako sila, mas gugustuhin ko na palaging pag-usapan ang mga tunay na nangyayari sa ating bansa upang sa madalian ay makapagbigay sila ng mga solusyon upang mapabuti ang kalagayan ng bansa. Ang masasabi ko lang, patnubayan sana sila dahil sa akin, hindi ito tatanggapin ng mga Filipino. Unahin muna ang problema kung gusto silang maukit sa kasaysayan ng bansa.
Comments
Post a Comment