Balamban, Cebu: Isang paraiso
Sa maingay na busina ng mga sasakyan, usok mula sa trambotso nito at ang mabagal na takbo ng trapiko, sa panaginip nalang siguro natin mararating ang isang payapa at tahimik na lugar. Tayo na’t magising, isantabi ang mga nakatambak na gawain dahil sa loob lang ng isang oras na biyahe mula sa siyudad ng Cebu, sariwang hangin at magagandang tanawin ng Balamban ang bubungad sa iyo.
JVR ISLAND IN THE SKY
Dalhin ang buong pamilya at sama-samang mag-enjoy sa mga rides at adventure courses na handog ng JVR Island in the Sky, isang mountain resort. Matatagpuan sa Barangay Gaas, Balamban Cebu, para ring ika’y nakapunta sa Baguio sa ganda ng tanawin at lamig ng lugar. Sa entrance fee na Php 50.00 para mga matatanda at Php 25.00 para sa mga bata, siguradong sulit sa bulsa ang iyong pagpunta. Mayroon ding swimming pool, cable car, zipline at mga cottages ang lugar na maaring rentahan sa murang halaga.
Dumayo rin sa hardin ng bulaklak ni Alejandra at mag-ala Adan at Eba habang maglalakad at maglilibot doon. Amoyin ang samyo ng mga mababangong bulaklak at limutin ng sandali ang iyong mabibigat na pinapasan sa halagang Php 50.00 para mga matatanda at Php 25.00 para sa mga bata. Nasa parehong barangay na Gaas, Balamban matatagpuan ang hardin na mararating din kung sasakay ng V-hire mula Ayala Center Terminal sa halagang Php 120.00 kada tao.
Matapos pumunta ng Baguio (Jvr Island in the Sky) ay huwag kalimutang dayuhin ang Tagaytay ng Cebu. Sa Florentino’s, magpahinga sa ilalim ng puno at maging isama kasama ang kalikasan. Maglatag ng banig sa luntiang damo at sabay-sabay na magsalo-salo kasama ang iyong pamilya.
FORESSA TRAILS
Bago lumubog ang araw ay huwag kalimutang magset-up ng tent para magsilbing iyong pahingahan. Humiga sa ilalim ng mga tala. Huwag palampasin ang gabi ng hindi nagkukwentuhan sa paligid ng nag-aapoy na siga.
Matapos mabusog ang iyong mga mata sa mga magagandang tanawin ay busugin naman ang iyong tiyan sa kanilang bantog na pagkain. Kumpletuhin ang biyahe at huwag umuwi nang hindi mo natitikman ang bantog na Balamban liempo o inihaw na karne ng baboy.
“Balamban is now the place to go, to live to and spend the rest of people’s lives,” saad ng website ng Lungsod. Sa aliw at magagandang karanasan na mararanasan sa Balamban, siguradong ayaw muna itong linsanin kailan paman.
Comments
Post a Comment